Monday, November 21, 2011

Sheikh Zayed Mosque - Abu Dhabi, UAE

no words, only photos
welcome to  Sheikh Zayed Mosque































Tuesday, November 1, 2011

Dear Nanay


Dear Nay,

Alam mo kanina Nay, nakakabored ang traffic pa Dubai. Nakakainis simula pa lang ng araw stressed na. Napatingin ako sa relos ko, Nov. 1. Oo nga pala piyesta ng mga patay ngayon.

Naalala kita Nay. Bigla akong napaluha habang hawak ko ang manibela ng sasakyan. Buti na lang at medyo tinted ang kotse at hindi obvious na nagpapahid ako ng tissue sa mukha ko. Namimiss pala kita. 

Sayang hindi mo man lang nakita kong gaano kakulit ang dalawang apo mo ngayon. Si Abby laging tanong ng tanong.

"What is this Daddy?" 

Minsan nga Yes or No na lang ang sinasagot ko kasi paulit ulit. Si Owen naman parang may kiti-kiti sa puwet. Hindi natigil sa isang lugar sa bahay. Takbo ng takbo at talon ng talon sa silya.

Ganon din ba ako kaulit Nay nong maliit ako? Nagagalit ka rin ba pag sobrang matigas na ulo ko?

Minsan nga naiinggit ako sa mga nakikita kong mag asawang nag sisimba na may anak kasi may kasamang babaeng my edad na. Malamang nanay sya ng isa man sa mag asawa. Palagay ko Nay, kung nandito ka ngayon ganon din ang magiging set up natin. Imbes na retired ka na, nag aalaga ka pa rin ng mga apo mo dito sa Sharjah... hehehehe...

Naalala ko Nay mag kasama tayong kumakain ng hapunan minsan. Ginataang kuhol ang ulam natin na pinulot ni Tatay sa palayan. Tinuruan mo pa nga ako kung pano sipsipin ang laman eh. 

Minsan naman nililibang mo kami ng mga kapatid ko sa umaga sa paglaro ng ibat ibang kulay na balloons. Kaya lang masyadong manipis ang goma at madaling pumutok pag bumagsak sa damuhan. Huli ko lang nalaman condom pala ang mga yon... malay ko ba. 

Yong mga palad mo nga Nay parang digital thermometer eh. Bago ako maligo nilalapat mo ang dalawa mong kamay sa dibdib at likod ko para alamin ang kung may sinat ako o wala. Saka lang ako maliligo sa poso sa likod bahay. Gusto ko nga matutunan kung pano mo tinatantya o baka lang talagang mothers instinct. Galing mo Nay!

Pag may sore eyes ako, breastmilk lang ang katapat na hiningi mo sa kapitbahay nating may baby. Ang lagnat walang problema kasi may Mirinda at paborita sa baraka

Kaya ng magkasakit ka Nay, binalak ko rin sanang ibili kita ng Mirinda at paborita. Kung hindi ka man sana gumaling kahit papano naibsan man lang ang sakit na nararamdaman mo noon. Sa murang isip ko noon, inisip ko na ang sakit ay parang lagnat lang. Kinabukasan mawawala na.

Ramdam ko nga sakit na nararamdaman mo Nay. Sabi mo malaki ang karayum na tinutusok sa tiyan mo para matanggal ang tubig sa matres. Pinilit mong lumaban pero sa huli tinalo ka ng sakit mo.

Hindi ko maunawaan kung bakit kailangan mong mawala. Basta mo na lang kaming iniwan. Nalilito ako noon. 

Pero ginamot ng panahon Nay. Unti unting nawala ang sakit. Pero ang ala ala mo nandyan pa rin. Hindi kita makakalimutan Nay.....

Sana pag nag kita tayo igawa mo ulit ako ng balloons. Ayaw ko ng yari sa condom. Dyahe naman... Gusto ko yong totoong balloons. Yong kulay green... 

Pero wag muna ngayon Nay maliliit pa ang mga apo mo. Itataguyod ko muna sila. Basta lagi mo akong ibulong mo ako kay papa Jesus at pagpalain ang mga ginagawa ko dito sa lupa.

I miss you Minda Samulde Ausan. I love you.


--------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Nanay passed away 24 years ago. 
--------------------------------------------------------------------------------------------------------------