Valid pa ba ang Passport ko?
Ang passport po ay maaaring magamit lamang para sa pagbyahe, pagrenew o pag-apply ng working visa, o anumang transaction kung ito ay mahigit pa sa anim na buwan ( at least 6 months) bago ang expiration date. Kung mas mababa na sa 6 na buwan (less than 6 months) hindi na po ito pwede magamit sa ibang opisyal na transaction at lalo na sa pagbiyahe o pag-apply/renewal ng visa.
Sikapin po nating alamin ang expiration date ng ating passport.
Mayroon bang fine kung expired na ang passport na hawak ko?
Wala po. Subalit ang lahat ng inconvenience at problema na dulot nito ay inyong responsibilidad. Sikapin po nating laging valid ang ating passport para maiwasan ang anumang suliranin.
E-passport na ba ang hawak ko?
Ang mga pasaporte (kulay Maroon) na isyu ng Dubai PCG mula 2011 ay e-Passport na. Makikita ang logo ng e-Passport sa harap na cover.
Kung hindi pa e-Passport, kailan ako dapat mag renew?
Kung ang pasaporte na hawak mo ay MRRP (kulay Green) o MRP (maroon pero walang logo ng e-Passport) makabubuting mag apply na ng appointment para sa renewal sa lalong madaling panahon.
Sa dami ng mga gustong mag-renew ng passport, ang pinakamaagang appointment ay nasa dalawang buwan na sa hinaharap (ibig sabihin, kung kukuha ka ng appointment ngayon, February 18, maaaring sa Abril o Mayo na ang pinaka maagang appointment na makuha mo).
Mas maagang kumuha ng appointment, mas maiiwasan ang inconvenience lalo na kung may mga proseso na kailangan ang passport, tulad ng pagbyahe, renewal ng visa, may bagong trabaho, etc.
Saan ako kukuha ng appointment?
Maaaring kumuha ng appointment sa Dubai PCG. Ang pila ay magsisimula ng ika-9 ng umaga. Sa araw na iyon, hindi ka makakapag renew, bibigyan ka lamang ng appointment date. Sa appointment date na iyon ka makakapag apply ng renewal.
Maaaring kumuha ng appointment sa DITO at hindi na po sa Facebook page ng Dubai PCG.Hindi po kayo makakatanggap ng sagot mula sa FB mula 20 February 2014.
Patuloy na isinasaayos ng Dubai PCG ang appointment system para higit itong maging mabuti.
Less than 6 months na ang validity ng aking passport at hindi ko na mahihintay ang appointment na nakuha ko dahil mas marami na ang nauna sa akin sa pagpapa appointment at kailangan ko na ang aking passport para sa emergency travel, official business, visa application, visa renewal at iba pang dahilan, ano ang maaari kong gawin?
Kumuha po kayo ng appointment at siguraduhin na mag renew ng passport sa appointment date na nakuha.
Mag-apply ng pansamantalang passport extension. Makikita ang form sa www.pcgdubai.netPassport Services. Naroon din ang mga requirements at kaukulang bayad. Makabubuti ring magdala ng proof of urgency. Ika-9 ng umaga nagsisimula ang proseso para sa extension. Mas madali kung handa na ang form at mga requirements bago magtungo sa Dubai PCG. Alamin din ang tamang counter na pupuntahan. Makukuha ang extended passport sa panahon ding iyon.
Sa araw ng aking appointment, maaari ba akong mag apply din ng extension dahil kailangan kong valid ang aking lumang passport?
Opo. Pareho po lamang ang mga requirements tulad ng nasa taas.
Sino ang hindi nangangailangan ng passport appointment?
Ang mga babaeng buntis, ang mga Senior Citizen, ang mga may kapansanan, ang mga sanggol at bata limang taon (5 years old) pababa ay hindi nangangailangan ng appointment. Sa Courtesy Lane po kayo magtungo.
Ang mga asawa, magulang, kapatid o kasama ng mga taong exempted sa appointment system ay hindi maaaring sumabay sa exemption na ito.
Kailan dadating ang bago kong passport?
Mula sa renewal date, maaaring umabot sa 6-8 linggo bago maging available ang inyong passport. Ibig sabihin, maximum ang 6-8 weeks ngunit maaaring minimum ng 2-3 weeks.
Hindi kailangang maghintay ng 8 weeks bago maghanap ng pangalan dahil maaaring lumabas na ang inyong passport sa mga unang listahan. Makabubuti na matapos ang 2 linggo, i-monitor na ang mga listahan na ipapaskil ng Dubai PCG sahttp://www.pcgdubai.net/releases/.
Kada linggo ay magpapaskil ng isang listahan. Ang mga listahang ito ay Alphabetical ang pagkakasunud-sunod kasama ang Apelyido, Gitnang Pangalan, at Pangalan. Hindi mahirap na hanapin ang sariling pangalan sa listahang ito.
Wala pa ang passport ko, dumating na ang sa kasabay ko, bakit ganun?
Ang mga passports na nasa listahan ay base sa mga natanggap na passports mula sa Manila. Maaaring nauna ang pagpapadala sa passport ng kasama mo kesa sa iyong passport depende sa printing batch doon. Wala pong itinatago o inihuhuling passport ang Dubai PCG. Ang lahat ng natatanggap ay ipinapaskil. Muli, makabubuting imonitor lamang ang mga listahan ng mabuti.
Ano ang kailangan kong dalhin sa pag claim ng bagong passport?
Pakidala po lamang ang lumang passport at resibo. Hindi po maibibigay ang bagong passport kung wala ang lumang passport. Kung nawala ang resibo, sabihin po ito sa Releasing Area Staff. Kung hindi personal na kukunin ang inyong passport, magpadala ng authorization letter kasama ng kopya ng ID ng taong kukuha nito kasama ang inyong lumang passport at resibo.
source: http://dubaipcg.dfa.gov.ph
No comments:
Post a Comment