Si Porky ang pinakamatabang baboy sa kural na pag aari Mang Gusting sa Barangay Inyawan.
Araw-araw, ala-sais pa lang ng umaga habang mahimbing pang natutulog ang mga katiwala ni Mang Gusting, sya ang unang nagigising at matiyagang nag lilinis ng ebs ni porky sa magdamag at nagpapaligo dito. Bale wala ang pagod. Para na rin kasing exercise ito para kay Mang Gusting bago pumasok sa pinag tatrabahohang kalapit na munisipyo.
Isang baldeng ipa at tubig ang appetizer ni Porky. Pagkatapos naman nito ay wan-to-sawa na syang lumamon ng B-Meg feeds na binibili pa ni Mang Gusting sa bayan. Pampabigat ng timbang daw kasi ang B-Meg feeds. Pagkatapos kumain wala nang gagawin si Porky kundi matulog at makipag tsismisan sa mga kapwa baboy sa kural.
Pagdating ng hapon, hindi na kailangan sumigaw ni Porky para humingi ng pagkain. Bago pa mag ala singko, dinig na dinig na ni Porky ang mga yapak ni Mang Gusting papunta sa kural dala-dala ang baldeng kaning baboy na kinolekta nya sa karinderaya sa palengke. Masarap ang kaning baboy. Dahil halos lahat na ata na lasa ng pagkain malalasahan mo na dito. May sweet and sour, may matamis at may maalat alat. Kumbaga sa kaning tao, halo-halo ang dating.
Kaya ganon na lamang ang lubos na paghanga ni Porky kay Mang Gusting. Para sya sa kanya, isa syang huwaran at mapagmahal na amo. Wala naman ibang paraan si Porky para suklian ang kabutihan ng loob ni Mang Gusting kundi ang lumamon ng lumamon at mag pataba.
Malapit na ang fiesta ng Barangay Inyawan. Kaya abala ang lahat paghahanda sa fiesta. May mga komiteng nag atasang mag kumpuni ng entablado na katabi ng barangay hall. Ang iba namang ay tulong tulong sa pagkakabit ng banderetas sa plaza. May mga nag aayos din sa simbahan para sa gagawing misa para sa patron ng barangay.
Sa bahay ni Mang Gusting, isa isa nang nilalabas ang mga mamahaling pinggan at baso para gagamitin ng mga importanteng bisita.
Nang sumunod na araw mas maaga gumising si Mang Gusting at ang kanyang mga katiwala. Sabay nilang tinungo ang kural. Wala silang dalang pagkain para kay Porky dahil ang dala nila ay panali at matalas na kutsilyo.
Biglang nagulat si Porky sa dami ng taong nakapaligid sa kanya. Hindi pa sya nahismasmasan ng biglang pinagtulungang gapusin ang kanyang mga binti. Nagkagulo sa kural. Gusto sana nyang isumbong kay Mang Gusting ang nangyayari pero nakatingin lamang si Mang Gusting sa kanya na parang OK lang ang lahat.
Dinala si Porky sa isang papag malapit pinakukuluang malaking kawa ng tubig. Wala na syang panahon para mag paalam sa kapwa baboy. Pilit na pumipiglas si Porky pero sadyang mahigpit ang pagkakatali sa kanyang mga paa.
Dinala si Porky sa isang papag malapit pinakukuluang malaking kawa ng tubig. Wala na syang panahon para mag paalam sa kapwa baboy. Pilit na pumipiglas si Porky pero sadyang mahigpit ang pagkakatali sa kanyang mga paa.
Isang lalake ang biglang naglabas ng kutsilyo at walang sabi sabing binaon sa matambok na leeg ni Porky. Masakit. Ramdam ni Porky ang mainit na dugo na dumadaloy sa kanyang leeg. Alam ni Porky kung pipilitin pa nyang sumigaw ng malakas, lalo lang bibilis ang daloy ng dugo. Habang tumatagal lalong nahihirapan sa paghinga si Porky. Pakiramdam nya may kung anong nakadagan sa kanyang dibdib. Unti unti na rin dumidilim ang kanyang mga paningin.
Habang pinipikit ni Porky ang kanyang mga mata dinig nya ang tugtog sa plaza. Naguumpisa nang mag saya ang mga tao.
Unti unting nauubos ang lakas sa katawan ni Porky.
Ngayon lang na realize, sa ganitong paraan lang sya makakabayad ng utang na loob sa kabutihang pinakita sa kanya ni Mang Gusting.
===================================================
Ganito ang eksena tuwing fiesta sa amin sa Libertad tuwing March 16
==========================================