Tuesday, June 22, 2010

Ang buhay OFW nga naman......


Mahirap ang buhay ng isang OFW na mahiwalay sa pamilya sa mahabang panahon para mabigyan ng kunting kaginhawaan ang naiwang pamilya sa Pinas. Sa hirap ba naman ng buhay ngayon kailangan mo pang makipagsapalaran sa ibang bansa para matugunan ang mga pangangailangan ng pamilya. Madaling sabihin pero ang proseso at pag aayos ng mga papeles ay matagal. Pag minalas pa ay maloloko ka pa ng agency na pinag aplayan mo. Madami sa atin ang magsasangla ng lupa o bahay o di kaya mangungutang sa kamaganak  para sa placement fee.

Pero hindi ibig sabihin na nasa ibang bansa ka na ay puro pasarap na lang ang buhay. May mga kasong mababa ang sahod o iba ang trabaho sa pinirmahang kontrata sa Pinas. Nandyan din ang problema sa accomodation, problema sa mabangis na amo, OTy (thank you na OT) at mahabang oras ng trabaho na walang restday. Hindi maiiwasan ang mga kasong rape, nabuntis at pambubogbog at kung ano ano pa.

Dito sa Dubai, dahil sa nangyaring recession, may mga kababayan tayong delay ang sahod, baon sa utang sa credit card at personal loan at minsan pa ay nakakulong dahil sa talbog na tseke. Marami ang tinamaan ng crisis at napauwi na galing sa mga construction at engineering na mga kompanya.

Isa sa matinding kalaban ng isang OFW ay ang pangungulila sa asawa at pamilya. Dahil sa mahal ang overseas call, sulat at voice tape ang pinagpipiyestahan ng mga naiwang pamilya sa Pinas noon. Mabuti na nga ngayon at may YM web chat, skype, friendster, facebook at kung ano anong pang mga paraan na madaling makausap ang pamilya.

Last week naimbitahan ko si Fr. Serge (unang paring pinoy sa St. Michael Church) para mag bless sa bagong apartment na nilipatan namin sa Sharjah. Nabanggit nya sa akin na ang pangunahing problema daw ng mga Pinoy ngayon ay live-in. Kahit may asawa sa Pinas. Mapa babae man o lalake. Kahit binata o dalaga. Oo. Bawal na bawal yan dito sa UAE. Latigo, kulong, deportation at benteng sidekick ng camel ang parusa. (of course joke lang ito!) Yan ay kung mahuli o ma report sa Pulis. Pag hindi tuloy ang ligaya.

Naranasan mo rin bang madaling araw ay nakita mong may miscol ka galing sa Pinas? Syempre kakabahan ka dahil baka may namatay o naaksidente sa pamilya. Yon pala naman ay pinafollow up lang ang buwanan mong sustento dahil katapusan na at tambak na ang mga bayarin. Hindi mo rin naman masabi na minsan delay ang sahod mo. Kaya mapipilitan kang mag cash advance sa credit card.

Sa pagsapit ng mga mahahalang okasyon tulad ng pasko, binyagan, kasalan, piyesta, family reunion, wedding anniversary, fathers day, mothers day, valentines day wala ka. Hindi mo matitikman ang masasarap na pagkain tulad ng crispy balat ng lechon. Tapos magpapadala ng group picture. Lahat sila nakangiti. Ang saya saya nila. Parang hindi ka nila namimiss. At napansin mo ikaw lang ang kulang. Gustuhin mo mang umuwi kahit saglit hindi pwede dahil hindi pa tapos ang kontrata mo.

Hay! Buhay OFW nga naman. Feeling ko minsan hindi ako umaasenso dahil tamang tama lang ang sahod ko sa panggastos sa pamilya. Para ring hindi  nag abroad.

Sa ngayon kasama ko ang asawa ko at dalawa kong anak sa UAE. Aaminin ko minsan kinakabahan din ako dahil mahina ang pasok ng business sa kompanya namin. Baka dumating ang araw na pauwiin ko rin sila. Pero habang nandito pa sila at kasama ko mageenjoy muna kaming mag bonding buong pamilya. 


2 comments:

  1. kasama lahat sa kontrata nating pinirmahan ang mga sacrifices na 'yan. hindi man nakasulat ito ng black and white, nakatatak naman ito sa pagkatao bilang ofw!

    ReplyDelete
  2. dati din, ang nasa isip ko pag nasa abroad ka, dami mo ng pera.. hehe.. pag nasa abroad ka, maganda ang buhay kesa sa pinas.. lalo na pag nakikita mo ang mga pictures ng mga nasa ibang bansa... masaya sila.. walang bahid ng pagod at puyat at pasakit.. ngaung nasa dubai na rin ako.. ngaun ko naramdaman.. front lang pala ung mga magaganda at masasayang nakikita ko sa mga larawan.. :(

    nakakalungkot.. pero kailangan..
    anyway.. bonding mode kau nyan ng fam mo.. :) this is ur chnce... :) ingat lagi.. :)

    ReplyDelete